PICTORIAL ESSAY




                                                        Sa Likod ng Maskara


    Sa likod ng maskara ay libo-libong kwentong pilit nililihim, mga emosyong di makalabas at itinatago sa ilalim ng pagpapanggap. Sa bawat ngiti at tawang ipinapakita sa harap ng mundo ay pighati ng isang pusong naglalakad sa dilim. Ang maskara ay isang paraan sa pagtago ng kahinaan, ngunit ito ay may hangganan at hindi nito kayang itago ang mga sugat na patuloy na sumisigaw sa loob ng tao.


    Ang maskara, sa ating pang araw-araw na buhay, ay nagsisilbing proteksyon mula sa mapanghusgang mata ng mga tao. Ito ay nagsisimbolo ng pagtatago at pagpapanggap, isang panangga sa mga emosyong tunay na nararamdaman. Sa pamamagitan ng pagsuot natin ng maskara, nakakayanan nating magsinungaling sa iba at sa ating sarili. Dahil rito, masyado nang naitago ang ating damdamin hanggang sa nakalimutan na natin kung ano ang tunay na nararamdaman ng ating sarili. Ito ay nagiging dahilan sa pagkawala ng koneksyon sa ating sariling pagkatao, at sa huli, hindi na natin alam kung sino tayo at ano ang ating tunay na kailangan.


    Ngunit sa lahat ng pagsisikap na itago ang ating damdamin, ay darating ang panahon na ang mga sugat na matagal nang ibinaon sa limot ay muling lilitaw at magpapakita. Sa mga oras ng kalungkutan at pangungulila, ang mga alaala ay magbabalik, at ang mga pighati na iniiwasan natin ay muling magpaparamdam. Tinuturuan tayo ng ating damdamin kung paanong ang tunay na lakas ay hindi sa pag-iwas sa sakit, kundi sa kakayahang magpatuloy at muling magsimula. Sa huli, ang mga sugat ay nagsisilbing paalala ng mga nakaraang panahon na ngayon ay nagiging bahagi ng ating kwento. 



Comments

Popular posts from this blog

KATITIKAN NG PULONG

TALUMPATI