LAKBAY SANAYSAY
Bacolod na Hindi Malilimutan
Ang pinakamagandang parte ng paglalakbay ay ang paggawa ng mga ala-ala na hindi malilimutan. Yung tipong sa mismong oras na ‘yon ay wala kang kaalam-alam na magiging ala-ala pala ito na hindi mo malilimutan. Kagaya ng karanasan namin sa Bacolod, ang ciudad ng mga ngiti, naging isa rin ito sa mga lugar na aking mamahalin nang buo. Mula sa pagtatagpo ng aming barko sa isla ng Escalante, agad kaming namangha sa kapayapaan na dala ng lugar— lalo na sa preskong hangin na hahaplos sa iyong mga balat— mararamdaman mo agad kung bakit “Lungsod ng mga Ngiti” ang tawag sa ciudad na ito.
Isa sa mga pinaka nagustuhan kong parte sa Bacolod ay ang pagsama ng mga magsasaka sa kanilang sakahan ng mga tubo. Marami akong natutunan na mga leksyon sa buhay, kagaya ng “hindi madali para sa lahat”, natauhan akong mahalin ang mga bagay na meron ako— at mas lalo akong nakiramay sa mga magsasaka sa buong Pilipinas at nagdasal ako para sa kanilang kaunlaran. Ang ikalawang parte na pinaka nagustuhan ko ay ang pagkilala namin sa mga pamilya na nakatira sa hacienda malapit sa sakahan ng tubo— doon nakatira ang mga magsasaka— kapus-palad na kwento ng aking narinig mula sa bibig ng mga pamilyang aking nakilala. Ngunit nakakatuwa dahil kahit gaano kahirap ang mga bagay na kanilang naranasan, sinabihan ako ni nanay na masaya sila— sobra pa raw noong sila ay hirap na hirap pa.
Sa kabuuan ng aming paglalakbay, isa ito sa mga karanasang aking dadalhin hanggang sa pagsabak ko sa totoong mundo. Gagamitin ko nang mabuti ang mga natutunan ko rito sa mga panahong ako’y naghihirap— at masaya. Naramdaman ko ang tunay na “Lungsod ng mga Ngiti” dahil ang mga ngiti sa mukha namin, ay hindi nawala. Dito sa Bacolod, umaapaw ng emosyon ng kasiyahan, kalungkutan, at kabutihan. Isa ito sa aking mga babalikan na lugar kapag ako ay nasa tamang estado na. Hanggang sa muli, minamahal kong Bacolod.
Comments
Post a Comment